Parang kailan lang, sa aking gunita
Sa iyo’y namumutawi, matatamis na salita
Transparency’t good governance, matatas mong wika
Ngunit nang maupo ka’y, bakit tila nawala?
Pagogi lamang ba ang ating ipinaglaban?
Matapos daigin ang mga kalaban
Sa isang mahigpit at madugong halalan
Mga pangako mo, ngayon ay nasaan?
Mahal kong Katoto, iyo sanang tandaan
Dapat mong isipi’y lugod ng karamihan
At hindi maging tuta na sunud-sunuran
Sa mga inuutos ng mahal mong Madam..
Bumaligtad ang mundo nang maibabaw ka
Maging mga kaibiga’y tila nalimot na
At hindi na kilala, mga dating kasama
Ang tawag mo sa ami’y, mga hamak na basura..
Nalulungkot kami sa naging larawan
Ng minamahal nating Barangay Kalumpang
Ang mga Tanod mo, naro’t nag-iinuman
Ang iyo namang SK, talamak sa katiwalian..
Di ba’t dati-rati’y isa tayo ng prinsipyo?
Na ating lalabanan, gahaman na pulitiko
Ngunit bakit ngayo’y nagwawalang-kibo
Nasan na ang ‘yong tapang, mahal kong Katoto?
Namumutla kang humarap sa madla
Iyong pinakita, asal mong kakatwa
Mga nakasaksi’y lubusang nabigla
At dagliang nanghinayang kanilang mga diwa..
Hangad lang naman nami’y malinis na pamumuno
Lahat ay maliwanag, walang ‘tinatago
Bukas sa maraming tanong ng publiko
Walang diskresyon ng mga pilato..
Ibig rin naming makita ang iyong pagkilos
Sa mga usaping, di matapos-tapos
Liban na lang kung bibig mo’y sukdulang nakagapos
O baka sinasadyang pasensya nami’y maubos..
Mahal kong Katoto, bilin ng sambayanan
Ang kapangyarihan mo’y panandalian lamang
Pagkatapos nito’y bakas ka ng kasaysayan
Paglilingkuran mo’y di namin malilimutan..
Bato-bato sa langit, tamaa’y wag magalit
Tao lang po at madalas makakita ng pangit
Kung hindi totoo’y di namin ipipilit
Pakiusap ko sa’yo’y, huwag ka ng magalit.
Hindi namin ninanais na ikaw ay palitan
Sa iyong pagiging mabuting lingkuran
Subalit pamumuno’y labis sanang pagbutihan
Nang mapanuring tao’y di ka mapintasan…