“ANG MAHIWAGANG BOLA NG SK ”

By B.U.S.I.N.A

Nagulantang ang B.U.S.I.N.A nang aming mabalitaan ang di umano’y pagbili ng Sangguniang Kabataan ng limampung (50) piraso ng bola na gagamitin sa isang Basketball Clinic. Mismong si Kapitan Enrico Chu ay kinumpirma na nag-purchase nga ang SK ng ganoon karaming bola at ayon sa kanya ay maituturing na iligal ang naturang hakbang. Sa bibig naman ni Kgwd. Dondie Reyes, Chairman ng Committee on Appropriations, sinabi niyang overpriced daw ang mga maanumalyang bola. Pilit na hinihingi ng B.U.S.I.N.A ang mga dokumento hinggil sa pagbili ng mga bolang ito subalit bigo kami na makuha ito sa Pamunuan ng ating Barangay. Pinatutunayan lamang nito na iligal nga ang ginawang hakbang ng Sangguniang Kabataan.

Lubusan kaming nababahala dahil tila sa murang edad ng mga pinuno ng SK ay nakakagawa na sila ng ganitong uri ng mga anumalya. Nakalulungkot isipin na tila hindi nagagabayan si SK Chairman Kaye Noll Andres ng kanyang ama na si Kgwd. Manolo Andres, at ng kanyang tiyuhin na si Vice-Mayor Marion Andres.

Marami sa ating mga kababayan ang nagtatanong, bakit ganoon karaming bola ang kanilang binili? Nasaan ang mga dokumento ng nasabing mga bola? Anong aksyon ang gagawin ng Pamunuan ng Barangay? Hindi ba isa itong tahasang paglabag sa batas? Bakit nakakagawa ng ganitong mga hakbang ang SK nang hindi nalalaman ng Kapitan? Nasaan na ang ating ipinangangalandakan noong panahon ng halalan na good governance at transparency kuno?

Gumising tayo mga kababayan! Lalong higit na kailangan ng Kalumpang ang tulong ninyo. Ituwid natin ang mga pagkakamali. Huwag nating payagang waldasin ng SK ang pondong dapat inilalaan sa mga kapaki-pakinabang na proyekto. Tigilan na natin ang bulok na sistema. Nananawagan ang B.U.S.I.N.A sa isang PAGBABAGO. Baka dumating ang panahon na pati ang chess at darts ay bilhan na rin ng bola ng SK. Hindi kami papayag. Narito ang B.U.S.I.N.A para bantayan ang kanilang mga pagkilos. Ang amin po lamang adhikain ay labanan ang korupsyon sa ating Barangay.

Tags: , , , , , ,

One Response to ““ANG MAHIWAGANG BOLA NG SK ””

  1. PAMELA ANN L. MASAJO Says:

    Tama po yan. Dapat ang usisain din ng mga citizens sa barangay kung saan ba talaga napupunta ang pondo laan sa mga projects ng SK. Hindi por que approved ng councilors nya ay dapat nang ipatupad. Dapat po ay isinangguni nya muna ang kanyang hakbang lalo na at may kinalaman ito sa pamemera sa nasasakupan niyang barangay.

Leave a Reply